Nasawi ang isang estudyanteng babae na umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang engkwentro sa mga militar sa Sitio Bagong Bario, Brgy. Pinanag-an, Borongan City nitong Huwebes.

Ang babae ay kinilalang si Jolina Banado, 21 anyos at isang Grade 10 student.

Imahe mula sa 14th Infantry Battalion

Nangyari ang engkwentro noong Mayo 30, 2019, Huwebes, pasado alas syete ng umaga. Kung saan nagkaroon ng engkwentro ang mga NPA at 14th Infantry Battalion.

Ayon kay Lt. Col. Jasper Justito Pecson, nagsasagawa ng focus military operation ang militar sa naturang lugar nang bigla na lamang silang paulanan ng bala ng makakaliwang grupo.

Gumanti ng putok ang mga militar kung saan napatay nila si Banado. Mahigit isang oras rin umano ang nangyaring putukan sa pagitan ng dalawang kampo.

Narekober naman ng mga kasundaluhan ang dalawang magazine ng AK47, dalawang RIG, isang bala ng M203, 15 na backpacks, mga gamot, tatlong blasting caps, limang cellphones, isang timer, mga bala ng AK47, M16 at Garand.

Bukod pa rito, may nakuha ring mga importanteng dokumento na maaaring makatulong sa imbestigasyon.

Patuloy pa rin umano ang follow-up operation ng mga kasundaluhan sa mga nakatakas na NPA.